Martes, Agosto 31, 2010

SIGWA: Isang Pagsusuri at Pagbabahagi

Matapos kong mapanood ang pelikulang SIGWA may sigla't anong saya akong nadama. Sa sarili ko'y nasabi hindi nawalang halaga ang aking pagpunta at mga paanyaya. Kayraming nagbalik sa aking gunita malalalim na paniniwala ay muling kumawala sa isipang nahubog sa nagdaang maraming taon na sa wari'y nakatulog may kung ilang panahon. Gumising na tunay sa kamalayan ko at pinatibay ang batayan ng mga paniniwala ko sa idelohiya ng aktibismo na binigyang diin sa dayalogo at tumimo sa puso ko. Totoong ipinagmamalaki ko ang "Pinoy Indie Film" na ito.

Ang pelikulang Sigwa ay kahanga-hanga sa ipinamalas nitong aral na mauunawa ng manonood na bukas ang diwa't may matalinong panuri upang ito'y ganap na malimi. Maraming katotohanan na maaring pagdudahan, may agam-agam kung paniniwalaan. Kung ang panahon ay iyong naranasan/naabutan marahil mas may koneksyon na mapagbabatayan ngunit paano kung ngayon lang matutunghayan ang pangyayaring ito sa kasaysayan. Itong katanungan ang lalong nagpahanga sa kumatha ng Sigwa na pinapupurihan

Si Direk Joel Lamangan, ay hindi matatawaran sa obrang ito na ngayo'y pag-uusapan sa mga pamantasan ay masarap pag-aralan at maging bahagi sa talakayan. Partikular sa panahon ng ating kasaysayan kung saan nagsimula ang Sigwa ng Kabataan na ang hangad at ipinaglaban ay pagbabago sa lipunan.

Ang mga pagganap ng artistang may pangalan ay napakanatural at marapat sa parangal. Naipahatid nila sa ginampanan ang buhay na karakter ng magkakaibigan na may kanikanyang karanasan na malalaman. Makatuwiran at makatotohanan ang ipinaglalaban sa sistema ng lumang lipunan na maihahambing pa rin sa kasalukuyan.

Nais kong huwag maglahad ng mga partikular na naganap sa pelikulang ito na aking hinahangaan sapagkat ang naisin ay inyo ding maranasan kung paanong bubuksan nito ang inyong isipan. Maaaring sa akin ay iba ang kahulugan nang bawat eksena na natunghayan. Sa panonood ninyo ay magsusuri din naman at nasa sa inyo kung paano huhusgahan ang pelikulang ito na matatatak sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino at pamana sa atin ng mga lumikha nito.

Mabuhay ang Pelikulang Pilipino na salamin ng ating lipunan at buhay ng ating mga mamamayan. Mabuhay ang mga may kathang isipan na hindi inalintana ang mga sinuong na kahirapan mabuo lamang ang isang pelikulang may katuturan at katungkulan. Makabuluhang katuturan at katungkulang ipaalam na ang bawat karapatan na ating ipinaglalaban ay may kalakip na paninindigan para sa bayan at kapwa natin mamamayan at hindi lamang pansariling kapakanan.

Sa mga prodyuser, direktor, manunulat at artistang lumikha ng Sigwa na may pusong dakila at nagmamahal sa bansa. Kumita mang malaki o maluging kaunti. Nangahas na tumaya sa kapakanan nang marami. Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang Sigwa!! Pagpalain kayong lahat ng Dakilang Lumikha!!!

Isang Pagsusuri at Pagbabahagi mula sa akin sa pelikulang Sigwa na inyo ring panoorin.

_______________________________
SIGWA: Isang Pagsusuri at Pagbabahagi
11 Hulyo 2010 / Linggo, 3:07 ng umaga

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento