Martes, Agosto 31, 2010

Araw ng Kagitingan



kahanga-hanga mga bayaning naturingan
sa ating kasaysayan sila’y papurihan
ginawa nila ay hindi matatawaran
para sa bayang kanilang ipinaglaban

subalit natanaw kanilang libingan
puntod na may lumot at talahiban
tila nalimot nang balikan
wala ng dumadalaw sa ulilang himlayan

biglang nagbalik sa ala-ala
sa panahong sa mga hapon sila’y nakipagbaka
itinaya ang buhay sa ngalan ng paglaya
hindi alintana kung masawi at mawala

at nagtagumpay sa kanilang ninasa
nakamit ng bansa ang maging malaya
bunga ng kanilang buhay na itinaya
ilan man sa kanila’y nasawi’t namayapa

ngayon ay inaalala sa ating bansa
araw ng kagitingan nitong mga aba
tinuringan silang bayani ng madla
ngunit paano mo sila dinadakila

buhay ba nila’y kinikilala pa
ano pa sa iyo ang kanilang halaga
bahagi pa ba sila ng iyong pagkamakabansa
o kwento na lamang sa librong nabasa

ang araw na ito’y inilaan sa kanila
upang kilalanin natin sila
kailanman ay huwag sanang iwaglit sa gunita
kagitingan nilang ipinakita

sa bataan at sa iba pang panig ng ating bansa
mataas ang kanilang naging adhika
upang ang bayan ay maging malaya
mabuhay ang dakilang kagitingan nila




___________________________
Araw ng Kagitingan

Biyernes, Abril 09, 2010 nang 12:39 ng umaga

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento