Kung si Rizal ay buhay pa siguro ay may nobela pa rin siyang isinusulat ngayon. Kung ang Noli Me Tangere ay sinasabing karugtong ng El Filibusterismo siguro ang El Filibusterismo naman ang pagdurugtungan ng nobela niya ngayon. Pero paano kaya niya bubuhayin si Simoun na sa huling kabanata ay pinatay na niya doon. May gagawin kaya siya upang muling buhayin si Simoun o lilikha na siya ng isang bagong tauhan na muling babago sa takbo ng nobelang kaniyang sinimulan noon.
Kung ako si Rizal ang istorya ay gagawin kong kaabang-abang na ang bawat kabanata'y aayawang lagtawan. Magiging lalong maanghang sa panlasa ang mga salita at ang mga tauhan ay higit na matapang sa nauna. Hindi mabagal na ilalahad ang nagaganap sa bayan subalit patuloy pa rin ito na pag-iisipan kung ano at kanino inihahambing ang mga tauhan upang maging matalino sa pagsino at pagkanino ang bawat magbabasa dayuhan man o Pilipino.
Sana nga'y buhay pa si Rizal na ang talino ay tunay na maipagmamalaki ng Pinoy pero alam kong hindi na mangyayari ito. Kaya naman ang hangad ay maging kagaya niya.. Sa pag-iisip at diwa mahawaan man lang ako at sa pagsulat ay maging instrumento rin ako sa pagpapatanto sa mga bagay na totoo lalo na sa kasalukuyang takbo ng ating gobyerno at pamumhay ng mga Pilipino.
Sa simula pa lang ang pamahalaan ay palaging laman ng kanyang sulat at asahan mong laging may isinisiwalat, hindi takot ituwid ang mga baluktot gaano man ito kasalimuot. Inihahayag niya kung ano ang totoo pinasisingaw ang baho nang bulok na pamumuno at ang kaapihan ay hindi itinago kung paanong parang bihag na nakabilanggo ang mga Pilipinong hangad lang ay magbago ang masama at tiwaling pamumuno. Lahat ay hinayaang malantad, mahayag at mabilad sa talas at liwanag ng kanyang panulat..
Daang taon na ang mga nagdaan mula ng nobela niya'y unang pinakinggan at mula noo'y nakilala't pinahalagahan. Ang Noli Me Tangere ay hindi malilimutan, sinundan ng El Filibusterismo na lalong hinangaan. Katunayan ay sa lahat ng paaralan ang dalawang nobela'y patuloy na pinag-aaralan.
Tunay ngang ang kaniyang mga isinulat ay hindi lamang naging tagapagsiwalat kundi naging tagapagmulat sa mata ng mga mamamayan na ang pinakamahalaga ay magmahal ng wagas at maging tapat sa ating Inang Bayan..
Sisikapin kong magsulat' magsiwalat, maglahat' magtapat, sa ala-ala ni Gat Rizal nawa'y maging marapat. Magpapatuloy sa kaniyang pinuhunanang hirap hanggang lubusang malasap ang kanyang pinangarap na ang lahat ay nakatakda at magaganap, ang katuparan ay nasa hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento